NAHAHARAP sa imbestigasyon mula sa polisya ang Memphis Grizzlies star na si Ja Morant dahil sa video nitong may hawak na baril na naka-post sa social media ayon sa Colorado police.
Ito ay matapos na kumalat sa internet ang video ni Morant na may hawak na baril sa loob ng isang nightclub.
Kinumpirma mismo ng Glendale Police Department na iniimbestigahan na nito ang insidente ng video ni Morant na nagresulta sa pagkakasuspinde ng NBA star.
Bukod dito ay posible ring maharap sa multa at iba pang parusa si Morant mula sa NBA.
Naglunsad na rin ang NBA ng sarili nitong imbestigasyon patungkol sa insidente habang sinabi na rin ng management ng Grizzlies na hindi nito paglalaruin si Morant sa hindi bababa sa dalawang laro.
